paunawa: ito po ay kinopya in toto sa pahayagang Pinoy Weekly.
Ella Colmenares ng Kabataan Party: nakakahawang paninindigan
Angel L. Tesorero
Mas kilala ang kapatid niya na gumanap bilang sugong mandirigmang si Alwina sa ‘Mulawin,’ Narda na nagiging si Darna, at Sabina sa ‘Majika.’ Sa telebisyon, kalaban ni Angel Locsin ang iba’t ibang maligno at nilalang na makapangyarihan. Siya si Angela “Ella” Colmenares, ate ni Angel Locsin, na sa totoong buhay ay nakikibaka sa Cha-Cha, panghihimasok ng US, represyon at iba’t ibang katiwalian sa gobyernong Arroyo.
Dahil sikat ang nakababatang kapatid na si Angel Locsin, hindi maiiwasang tanungin si Ella ng mga kapwa-aktibista tungkol sa artista. Makatwiran ang tugon ni Ella, na ayaw niyang siya ay makilala bilang “anino” ng kapatid. Gayunpaman, walang tensiyon sa pagitan ng dalawa. Si Ella ay maalaga kay Angel, at si Angel ay hanga sa kanyang ate sa pagiging “palabang babae.”
Halos isang dekada nang aktibista ang 27 taong gulang na si Ella. Una siyang nasabak sa pulitika nang mahalal bilang tagapangulo ng SK (Sangguniang Kabataan) sa Barangay 159 ng Lungsod ng Kalookan noong 1996. Aniya, “namulat” siya sa sitwasyong pampulitika ng bansa dahil sa pakikipanayam sa mga kapwa opisyal ng SK na may progresibong pananaw at oryentasyong aktibista. Isa sa madalas niyang kadiskusyon ang tagapangulo ng kabilang barangay, si Nardz, na kalauna’y napangasawa niya. Dalawa na ang kanilang anak, sina Karl Nicolai, 6, at Karl Vladimir, 4 – kapwa pangalan ng mga dakilang rebolusyonaryo.
Bata pa man, mataas na ang pagtingin ni Ella sa mga aktibista. Kahit umano noong hayskul, kasama siya sa isang barkadahan na nag-uusap-usap hinggil sa mga balita sa bansa. May ilang kamag-anak siyang aktibista noong batas militar.
Malaki rin ang impluwensiya sa kanya ng amang si Angel Colmenares na may progresibong pananaw. Madalas na tumatawag ang kanyang ama sa radyo upang magpahayag ng saloobin sa mga isyung panlipunan.
Nasa ikalawang taon sa kolehiyo sa kursong Political Science nang masabak naman bilang lider si Ella. Naging tagapagasalita siya ng isang samahan na nagsampa ng class suit laban sa UST (University of Sto Tomas) matapos mabiktima ang halos 700 estudyante ng Hepatitis A dahil sa kontaminadong tubig sa kampus. Siya at ang kanyang mga kasamahan ay tinawag ng administrasyon ng UST bilang extortionists.
Likas na mapanuri sa mga nagaganap sa lipunan, bago pa man pumutok ang isyu ng Hepatitis ay naghahanap na si Ella ng organisasyong aktibista sa UST. Nagngingitngit siya na sa kabila ng taon-taong pagtataas ng matrikula, napapabayan naman ang mga pasilidad sa eskuwelahan. Walk-in applicant si Ella sa SCMP (Student Christian Movement of the Philippines) sa UST dahil hindi umano siya nirerekrut ng kaklaseng aktibista bagaman matagal na niyang sinabing gusto niyang maging aktibista.
Dahil sa pangunguna sa mga room to room campaign laban sa pagtaas ng matrikula at mga bulok na pasilidad at iba pang usapin, hindi na siya tinanggap sa UST. Natigil siya sa pag-aaral. Aniya, sa ibang klaseng paaralan naman siya papasok.
Tatlong taong nakipamuhay sa mga magsasaka at maralitang tagalungsod si Ella. Ang karanasan ay humubog sa kanyang pananaw, na dati rati’y kiling sa pananaw ng mga panginoong maylupa at komprador – sapagkat sa Kabisayaan, ganoon ang angkang Locsin-Montelibano-Colmenares na pinagmulan ni Ella. “Lumapat sa lupa ang kanyang mga paa.”
Tinapos ni Ella ang Political Science sa PCU (Philippine Christian University). Namumukod ang kanyang average grade na 1-1.25, katunayang kaya ng mga aktibista ang mataas na grado kung gugustuhin nila.
Bagaman may pangamba rin sa kanyang kaligtasan, hindi natitinag si Ella sa kabila ng pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista. Aniya, hamon at hindi hadlang ang mga iyon sa mga tunay na aktibista.
Sa kasalukuyan, ingat-yaman si Ella ng Kabataan Party na sasabak sa susunod na halalang partylist.
Noong nakaraang eleksiyon, nakasama niya ang kanyang kapatid na si Angel sa isang pagtitipon ng partidong Anak ng Bayan. Nagulat siya nang magsalita si Angel na parang aktibista. Ani Angel, kailangan ng kabataan ang mga tunay na kinatawan sa Kongreso na makikipaglaban para sa kanilang karapatan sa edukasyon at kapakanan. Natuwa si Ella. “Nahawahan” niya ang kanyang sikat na artistang kapatid.